Ilang araw na mula nang mawala si Lola, pero hindi pa rin ako makatulog.
Naalala ko kasi lahat. Kaya nga nung mismong eulogy at libing, mas pinili kong mawala. Ni hindi ako sumilip sa kabaong niya, alam ko kasing hinding-hindi ko malilimutan ang bawat detalye nun.
Kasama na ni Lola si Mimi, si Murphy, si Cali, si Bigboy, pati yung pato kong si Pnoy. I'm sure kahit ayaw niya sa mga iyon, aalagaan niya parin sila dun, ako nga inalagaan niya eh. Naalala ko na muntik ko na mapatay si Lola noong minsang nagdala ako ng ahas na walo-walo sa bahay. Una kong nakitang namutla ang mukha ni Lola, pero hindi kagaya nang putla noong huli ko siyang makitang nakahiga sa ospital ng Lucena. Hindi ko talaga makalimutan.
Napaka-pasaway kong apo. Naalala ko minura ko minsan si Lola noong bata pa ako dahil di niya ko pinapayagan lumabas ng bahay, ayun, pinagtulungan nila ako na ikulong sa banyo. Naalala ko yung pagnanakaw ko ng isda na niluluto ni Lola, akala niya pusa ang may gawa, kaso nahuli niya akong tinatago yung mga tinik sa gilid ng dagat sa likod ng bahay. Naalala ko yung mabangong sinangag na kanin niya araw-araw pati yung pop rice sa merienda. Naalala ko yung gabi ng lagim sa Lagyo, lagi niyang ipinantatakot yun sa akin para matulog na ako. Isang araw nga pinagtripan ako ng isa sa mga tito ko at hinugot ang kamay ko mula sa bintana. Pinalo-palo siya ni Lola yakap-yakap ako. Naalala ko yung paboritong pulbos ni Lola. Ang bango-bango nun. Inaasar ko siyang amoy matanda pero wala siyang paki. Normal sa kaniya ang pagkakaroon ng resting bitch face kaya love na love ko siya. Naalala ko yung sinasamahan ko si Lola sa ospital para magpa-check up kasi may trabaho si mama. Ayaw na ayaw niya akong kasama. Naalala ko noong hinahatid sundo ko siya sa simabahan nila sa Dating Daan sa barangay Rizal, pinipilit niya akong sumama sa loob pero lagi ako gumagawa ng dahilan. Naalala ko na lagi niya kami pinapakain kapag nakiki-laba kami ni Dech sa apartment nila. Lagi niya nila-lock yung pinto ng kwarto niya, ayaw niya akong papasukin dahil alam niya kung gaano kalikot ang kamay ko. Ako kasi si boy kupit. Naalala ko yung minsang alalang-alala ako at nagmamadaling mag-grocery kasi naiwan mag-isa si Lola sa bahay sa C5. "Bakit ngayon ka lang?" Inis na inis siya sa akin pag-bukas niya ng pinto, punyeta kasing traffic sa C5 yan eh. Kinabukasan nilutuan ko siya, sabi bawal daw siya kumain ng madami pero hinayaan ko lang siya kumain. Minsan lang ako magluto para kay Lola at alam kong sarap-na-sarap siya. Naalala ko yung mga kwento tungkol sa batang palaka at anino sa kaniyang ulunan, sobra akong natakot dun, pero mas natakot ako sa mga nakita ko sa Lucena.
Gusto ko na makatulog. Ayoko na makita sa panaginip ko ang ospital ng Lucena. Sabi nila, comatose daw ang kalahating katawan ni Lola, pero malakas pa siya. Sumusipa ang kanang paa, nangungurot ang kamay, parang gustong magsalita pero hindi niya magawa, may nakapasok kasing tubo sa kaniyang bibig. 1,2,3 sabay diin sa ambu bag. “Lola, gusto mo tanggalin ko na tong tubo sa bibig mo?” nagtawanan sila, pero seryoso ako. Hindi ako nagpapatawa. Gusto kong hugutin yung tubo pero hindi daw pwede sabi ng doctor. Mababaw daw ang paghinga ni Lola. Tinitignan kong mabuti. Kaya naman ni Lola huminga na wala yun, pero sino ba naman ako? Hindi naman ako doctor.
Nag-uusap yung magkakapatid, pinaplano nila paano ililipat si Lola sa pinaka-malapit na private hospital. Yung hindi na kailangan manual ang pagbibigay ng hangin. Gusto nila sa Manila siya, sa Makati para malapit sa amin, pero hindi raw kakayanin ni Lola ang mahabang biyahe. Walang problema ang gastos sa pamilyang ito, wala lang talagang choice nung umpisa kaya dinala si Lola dito. Mabilis para sa mga kasama ni Lola ang lahat ng pangyayari nung gabing natumba siya at hindi na muling bumangon pa. Isinugod nila si Lola sa district hospital, pero kulang daw sila ng kagamitan na kakailanganin ni Lola. Sinuggest nila ang Lucena, nag-renta ng ambulansiya, isinugod si Lola. Pagdating doon, ang makinang kailangan ni niya, pinipilahan pa pala. Parang isang set ng post apocalyptic film ang buong ospital. Malayong-malayo sa kulay ng mga katagang “Serbisyong Suarez” na nakasabit sa mga halos sirang pader ng pasilyo. Walang may gustong dalhin si Lola sa impyernong yun pero mahaba na ang kanilang byahe. Ayaw na ng doctor na ilipat pa sa ibang ospital si lola, baka daw di niya kayanin, pero mapilit ang pamilya namin. Gagawin ang lahat maging ok lang si Lola. Gusto nga ni Mama na pumirma na ng waiver para tanggalin yung tubo sa bibig ni Lola pero hindi lang siya ang dapat magdesisyon doon kahit pa panganay siya.
Ilang saglit pa, bumalik ang Doctor niya, may kasamang consultant. Nagpakwento tungkol sa history ng sakit ni Lola. Ipinaliwanag niya ang CT scan ni Lola. May bukol daw. Madami pang test ang dapat gawin. Madaming sinabi, hindi ko lahat maintindihan. Kinumbinse ng magkakapatid ang doctor na consultant na siya na ang tumingin kay Lola. Ilipat siya sa isang private clinic. Lahat gagawin nila, mabuhay lang si Lola. Inasikaso na nila ang lahat.
Tumawag ako sa pinsan at kapatid ko para mag-kwento. Doon ako tumayo sa isang sulok ng ospital na may signal, mga kama at mga pasyenteng hapong-hapo. Gustuhin man nila ang kaunting privacy ay mukhang hindi iyon afford na ibigay sa kanila ng ospital. May budget sila pampagawa ng magandang lanyard para sa kanilang ID pero wala para sa kurtina na magsisilbing pantakip sa mga pasyenteng nangangailangan. Doon din sa sulok na iyon nakita ko ang ilang mga taong kaniya-kaniyang nagsisipaglatag ng karton, kumot, at plastic para may matulugan. Hindi sapat ang mga nakalaan na waiting chairs sa dami ng pasyente at bisita. Kaniya-kaniya din ang pagdadala ng electric fan. Kung sa mga ganitong ospital nagpapa-gamot ang mga nasa pulitiko, sigurado akong hindi ganito ang sitwasyon dito ngayon.
Tatlong palapag, ang elevator ay para lang sa mga nasa stretchers at wheel chairs. Under staff sila, rotation ang mga doctors, limang kama ang ipinagkakasya sa loob ng Intensive Care Unit, walang harang, walang maayos na CR, paano napapahalagahan ang dignindad ng mga pasyente dito? May isang matanda na may akay-akay na sanggol ang bumababa sa hagdan. Kailangan niya daw kasi kunan ng gamot ang bata sa ground floor pharmacy. Paano kung malaglag sila sa hagdan?
Iniisip ko, sana hindi. Sana kayanin ng Lola ko, pero hindi niya na kinaya eh.
Palabas kami ng ospital ni Mama, ihahatid ko kasi siya sa hotel dahil mukhang bibigay na siya at kailangan na niya magpahinga. Sumalubong saamin si Tito, sabi niya tawagin na daw yung Doctor ni Lola dahil ililipat na siya. Sabi ko ihahatid ko muna si Mama, saglit lang yun, mabilis lang talaga pero pagbalik ko sa ospital, nakatanggap ako ng text na wala na si Lola. Nanlambot yung tuhod ko, napatingin ako sa paligid ko. Gusto ko mag-laho. Tumakbo ako, nakita ko sila umiiyak sa hallway. Si Kay na nag-aalaga kay Lola sa Lagyo na lang ang umaasikaso kay Lola sa loob kasama ang mga nurse. Lumapit ako, sabi ko magpahinga muna siya. Hindi ako makatingin sa mata niya. Alam kong sa isip niya ay tanggap na niyang wala na siyang aalagaan kapag pupunta siya sa bahay. Nag-post nga ang loka sa facebook ng picture ni Lola na ikinagalit ng mga Tito at Tita ko, pero hindi ko siya masisi. Maraming nagsasabing parang aswang na si Lola, pero tinanggap siyang alagaan ni Kay at malaking-malaki ang pasasalamat namin sakaniya doon. Inosente ang pagkakamali niyang ipost ang picture ni Lola, at naiintindihan ko ang pinanggagalingan niya. Tinitignan ko si Lola, wala na talaga siya. Gusto ko siya hawakan pero hindi ko magawa. Nangingilid ang mga luha sa mata ko at sobrang sakit ng ulo ko. Pumasok ang ilan sa mga staff dala yung metal na kama, doon nila ilalagay si Lola. Ibinalot siya sa floral na green na kumot niya.
Hindi ko alam paano ko sasabihin sa Mama at Tita ko na nasa hotel.
Tumakbo ako palabas ng ospital, tumawag ako kay Dech. Doon biglang bumuhos ang luha ko. Umandar ang tricycle, iyak ako ng iyak pero sabi ko kay Dech hindi ako iiyak sa harap nila Mama. Pagod na pagod na ako. Sabi ko kay Mama at Tita wala na si Lola. Parang galit si Mama nung tinanong niya ako kung anong basis ng announcement na wala na siya. Hindi ko alam paano ko sasagutin ang Tita ko na nagtatanong kung panaginip lang lahat iyon. Gusto ko mawala ng mga oras na iyon. Naalala ko nung nawala sa amin si Mimi. Sobrang sakit parang gusto ko na maging manhid sa emosyon. Kung may anaesthesia lang sa pakiramdam siguro ginamit ko na. Ayoko na makaramdam ng ganito, ayoko na makita sa panaginip ko ang ospital ng Lucena.
Saglit kami nagpahinga at bumalik sa ospital para kunin ang death certificate ni Lola. Kung tutuusin hindi niya kailangan dahil kabilang siya sa mga indigenous peoples. May certificate from National Archives pero hindi iyon tinatanggap ng ospital. Kailangan nila ng birth certificate. Tumawag pa ko sa NCIP, pero hindi pala ganun kadali makakuha ng mga documents para sa mga IP’s. Nag-eskandalo na ang mga tito ko, yun naman din kasi ang sabi ni Duterte diba? Pero wala iyong nagawa, pinalabas sila ng guard kaya Tita ko na ang umasikaso. Pabalik-balik sila sa Nurse station dahil kung hindi mali ang date ay kulang ang pirma ng doctor. Di nila alam kung sinasadya ba o kung ano? Iniisip ko paano kaya yung ibang walang-wala na? May batas pa bang umiiral na mag-aahon sa mga nasa laylayan ng lipunan o mas gugustuhin ng mga mambabatas natin na gumawa ng mga batas uubos sa mahihirap hindi ang kahirapan?