Madalas kong sinasabi sa sarili ko na baka puwede pa,
baka kaya pang ayusin,
baka hindi pa huli ang lahat,
hanggang sa umabot ako sa ganito -
Manhid, walang pakiramdam,
walang pakialam sa nararamdaman ninuman.
Nagloko, nanakit, naki-apid.
Sa huli siya ang sumuko.
Natapos ang dapat tapusin, ako ang naging masama.
Ako ang luhaang nagtatago sa ngiti ng aking mga labi.
Ako ang sugatan na nakatago sa anyo ng isang halimaw.
Ang aking puso wariy hindi matitibag
ngunit nalulusaw sa kaniya...
...sa kanilang mga salita.
Umabot ako sa puntong ang paglaya ay naging kasing kahulugan ng pagtakas,
palayo sa iyong sarili, palayo sa tunay mong kahulugan ng paglaya.
Kung tatanungin mo ako kung bakit pa ako naririto,
iyon ay dahil sa dugong nananalaytay sa aking katawan.
Sa hangin na hindi ako iniwan.
Sa pag-iisip ng pag-asa, na baka puwede pa,
baka kaya pang ayusin,
baka hindi pa huli ang lahat...
No comments:
Post a Comment