Iginuhit ni Nuz Romero |
Noong bata ako, naalala ko kung gaano ako namamangha sa dalawang baleteng nakatanim sa tapat ng tinitirahan namin. Lagi akong tinatakot ng mga matatanda na may nakatira daw doon, pero hindi nito napigilan ang kagustuhan kong tumambay at pagmasdan ang mga paru-paro at mga itim na insektong makikita mo lang kapag tinuklap mo ang mga dahon ng balete. May maliit na kanal na naghihiwalay sa kalsada at mga balete. Tuwing tatalon ako para makatawid sa kabila ay may pakiramdam akong tumatawid ako sa kabilang dimensyon kung saan may mga kakaibang nilalang akong makikita.
"Tabi-tabi po" wika ko bago mamitas ng mga bulaklak ng santan na nasa gitna ng dalawang puno. Sisipsipin ko ang katas ng bulaklak bago ko ito gawing porselas, tapos saka ako mangunguha ng mga nakatiklop na dahon at titignan ang mga maiitim na insekto. Ang gaganda nila, para silang mga nakasuot ng mga makikinang na itim na damit at nagsasayawan sa ibabaw ng luntiang dahon ng balete. Ganito siguro ang pakiramdam ng mga kapre kaya madalas silang inilalarawang namamahinga sa malalaking puno at humihithit ng tabako.
Kuwento nila mama sa amin noon, may nakita daw siyang isang anino ng batang maliit na naglalaro sa tabi ng aming kama. Inakala niya daw na ako yun, pero mahimbing akong natutulog sa tabi niya nang mangyari ang insidente. Ilang taon ang lumipas, lumipat kami ng bahay, tanghaling tapat noon at kumakain ang kapatid ko at si papa sa kusina. Nakahiga ako at pinagmamasdan ang mga ulap mula sa inaayos pang bubungan ng kwarto. May isang itim na anino ang tumalon sa akin. Sa takot ko ay pumunta ako sa kusina at sinumbong ang nangyari. Hindi naniwala sila papa. Nobyembre, kaming magkakapatid lang ang nasa bago naming bahay. Inaantay namin ang Magandang Gabi Bayan Halloween special sa TV. Inutusan ako ng panganay namin na magpinaw ng mga sinampay. Dinala ko ang mga damit sa kwarto. Tandang-tanda ko ang nakita ko. Isang malaking kamay ng tao na nagpupumilit pumasok sa maliit na butas ng bubong. Ang bahay namin na iyon ay nakasilong sa isang malaking puno ng acacia. Sabi ng mga matatanda doon ay may kapreng naninirahan sa puno. Alam ng punong acacia na iyon ang mga sikreto ko. Madalas kasi ako noong umakyat sa bubong para bumulong.
Lumipas ang mga panahon, naghiwalay sila mama at papa. Nawala ang bahay. Nagpalipat-lipat kami ng tirahan, pero hindi nawala ang kagustuhan kong mapalibutan ng mga luntiang puno't halaman. Limang taon na ata o higit pa noong bumalik ako sa bahay na kinalakihan ko. Mas matanda pa ito sa akin. Ngayon, wala na ang mga balete sa tapat ng bahay. Wala na rin ang kanal at mga santan. Ang mga natira na lang ay mga birds of paradise at iba pang mga bagong halaman. Wala na rin ang mga insektong itim at mga paru-paro. Nagtataasan ang mga bahay, nagliliitan ang mga puno. Wala na ang kabilang dimensyon na mararating mo lang kung wala kang takot na mahulog sa kanal. Nakakatakot isipin na balang araw, mawawala na ang lahat ng alaala. Mamatay ang lahat ng misteryo at hiwaga.
Mawawala ang mga kapre. Kung ganoon lang din, mas gugustuhin ko na lang mawala.
No comments:
Post a Comment